PNP, nilinaw na hindi nila pinag-iinitan si Erwin Tulfo

Naglinaw ang Philippine National Police (PNP) na hindi naman nila pinag-iinitan ang brodkaster na si Erwin Tulfo.

Kasunod ito ng pag-atas sa brodkaster na isuko ang kanyang mga baril matapos na mapaso ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ng mga ito noon pang buwan ng Mayo.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac na hindi lang naman para kay Tulfo ang nasabing kautusan kundi maging sa iba pang mga gun owners.

Ipinaliwanag pa ni Banac na napadalhan na rin ng liham ang iba pang gunowners na nagpapaalala ng kanilang responsibilidad para magre-new ng kanilang lisensya.

Kung hindi makatutugon ang mga gun owners ay maaari namang dalhin ang kanilang mga baril sa pinaka-malapit na police station para sa kustodiya o temporary safekeeping.

Anim na buwan bago mag-expire ang lisensya ay dapat na nagpapa-renew na ang mga gun owners.

Ino-obliga naman ang mga nagre-renew ng lisensya na sumailalim sa drug test at neuro-psychiatric test bukod pa sa pagdalo sa gun safety seminar at firing range training.

Read more...