1 patay, 1 sugatan sa hostage taking sa Cebu City

By Len Montaño June 08, 2019 - 01:55 AM

Credit: Pardo Police

Patay ang isang lalaki na nang-hostage ng kanyang pinsan at kaibigan nito matapos ang shootout sa mga pulis sa Cebu City Biyernes ng gabi.

Nasawi si Benjie Dela Rosa matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Sitio Cabangkalan 2, Barangay Bulacao alas 9:00 ng gabi.

Ayon kay Police Major Regino Maramag, Pardo Police Precinct chief, nasugatan ang isa mga hinostage ni Dela Rosa, ang pinsan nito na si Steve Dela Rosa.

Naniniwala ang pulisya na mismong ang suspek ang bumaril sa pinsan nito sa gitna ng palitan ng putok.

Lumabas sa imbestigasyon na armado ang suspek ng 3 baril nang i-hostage ang pinsan at kaibigan nito na si Ryan Cardavan sa hindi nalamang dahilan.

Dahil sa report ng tiyuhin ay rumesponde ang pulisya sa hostage taking.

Unang naiulat na may nangyaring shooting incident ilang oras matapos maaresto ang isang pulis na umanoy nagtutulak ng droga sa Barangay Basak Pardo.

Pero pagdating sa lugar ay nagpaputok umano si Dela Rosa kaya gumanti ang mga pulis at napatay ang suspek.

Narekober sa suspek ang .45 caliber pistol, 357 caliber revolver at 22 caliber revolver at tatlong pakete ng pinaniniwalaang shabu.

Ayon kay Maramag, siga sa lugar si Dela Rosa at dati na itong naaresto sa mga kasong murder at attempted murder pero nakalaya ang suspek matapos mabasura ang mga reklamo laban sa kanya.

 

TAGS: 1 patay, 1 sugatan, attempted murder, Cebu City, hostage taking, Murder, Pardo Police, pinsan, shootout, 1 patay, 1 sugatan, attempted murder, Cebu City, hostage taking, Murder, Pardo Police, pinsan, shootout

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.