‘Unlawful’ killings sa Pilipinas pinaiimbestigahan ng UN experts

Nais ng mga human rights experts ng United Nations na magkaroon ng international investigation sa anila ay “unlawful” o labag sa batas na patayan sa bansa kaugnay ng war on drugs ng gobyerno.

Kasabay bito ay inakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng 11 independent experts ng umanoy hayagang pananakot sa mga aktibista at mahistrado ng Korte Suprema, pagyurak sa mga kababaihan at pagsusulong ng karahasan laban sa mga tulak ng droga.

Hinimok ng mga eksperto ang UN Human Rights Council na maglunsad ng independent investigation sa anila ay mabilis na pagwasak sa karapatang pantao sa bansa.

“We have recorded a staggering number of unlawful deaths and police killings in the context of the so-called war on drugs, as well as killings of human rights defenders,” pahayag ng mga eksperto kabilang ang rapporteur na si Agnes Callamard.

Sa kanilang joint statement ay sinabi pa ng UN experts na walang indikasyon na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang gobyerno ng Pilipinas sa mga kaso ng pagpatay sa mga drug suspects.

Una rito ay ilang beses iginiit ni Pangulong Duterte na walang pakialam ang international body sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa droga.

Naghamon pa ang Pangulo na siya ang kasuhan para sa pagkamatay ng libo-libong katao na sangkot sa iligal na droga.

Sa June 24 ay nakatakdang magbukas ng tatlong linggong sesyon ang UN Human Rights Council na binubuo ng 47 na mga bansa.

 

Read more...