Timbog ang 51 indibidwal sa ikinasang simultaneous anti-criminality law operations (SACLEO) sa Pasay City sa buong magdamag.
Ayon kay Pasay Police chief Police Col. Bernard Yang, 14 ang naaresto dahil sa iligal na droga, 32 ang naaresto dahil sa paglabag sa city ordinances, tatlo dahil sa pagsusugal habang dalawa dahil sa pagsisilbi ng warrant of arrest.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa sa mga suspek tulad ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal gambling habang ibabalik sa korte ang mga nahuli matapos silbihan ng warrant.
Ang mga nadampot sa paglabag sa ordinansa ay pinauwi na matapos isailalim sa profiling pero pagbabayarin ang mga ito ng multa.
Samantala, 15 iba’t ibang uri ng baril ang isinuko sa Pasay Police ng isang anak ng retiradong dating sundalo.
Namataan pang nakatago sa hukay sa loob ng isang bahay sa Maricaban ang lalagyan ng mga baril, magazine at bala.
Ayon kay Yang, koleksyon ito ng retiradong sundalo na pumanaw na noong Disyembre.
Natakot ang pamilya sa posibilidad na sila ay maaresto dahil sa pagtatago ng mga hindi lisensyadong baril dahil walang permit to carry ang mga ito.
Kabilang sa 16 na baril ang apat na rifle, tatlong kalibre .45 pistol, at tatlong kalibre .22 na revolver.
Umabot sa 1,550 ang mga nakuhang bala na iba’t ibang kalibre.
Nakatakdang i-turn over ang mga baril sa Firearms and Explosive Divisions sa Camp Crame para sirain.
Pero bago ito, isasailalim ang mga armas sa ballistics test upang madetermina kung nagamit ang mga ito sa krimen.