Imbestigasyon ng DOJ sa reklamo ni Lane Michael White, sinimulan na

tanim-bala-lane-michael-white-660x451Umarangkada na ang imbestigasyon ng Department of Justice sa criminal complaint na inihain ng Amerikanong misyonaryo na si Lane Michael White laban sa anim na airport personnel na sangkot umano sa ‘tanim-bala’modus sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Ayon kay DOJ Prosecutor General Claro Arellano ang naturang reklamo na inihain ni White at ng kanyang stepmother na si Eloisa Zoleta ay hahawakan ng Task Force NAIA ng DOJ sa pamumuno ni Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva.

Magtatalaga aniya ang task force ng panel of prosecutor na mangangasiwa sa preliminary investigation.

Paliwanag ni Arellano, kapag nabuo na ang naturang panel, ang mga respondents ay obligadong sagutin ang reklamong inihain nina White at Zoleta.

Nahaharap ang mga tauhan ng Office for Transportation Security na sina Maria Elma Cena at Marvin Garcia sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act partikular na sa Article V Section 38 o ang Liability for Planting Evidence.

Samantala, nahaharap naman sina SPO2 Rolando Clarin, Chief Insp. Adriano Junio, SPO4 Ramon Bernardo at SPO2 Romy Navarro sa reklamong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code para sa Robbery/Extortion, Republic Act 7438 o ang pag-aresto sa pinaghihinalaang suspek at Republic Act 3019 o Anti-Graft Law.

Matatandaang nahulihan umano si White na may dalang .22 caliber na bala ng baril sa kanyang bagahe sa NAIA noong September 17.

Read more...