Una nang ibinunyag ni dating House speaker Pantaleon Alvarez ang umano’y bilihan ng boto para sa speakership.
Matatandaang kamakailan ay iniulat din ang kumalat na text message sa mga kongresista kung saan hinihimok sila na dumalo sa isang meeting at doon iaalok ang presyo kapalit ng kanilang boto.
Ang nasabing text message ay nanggaling umano sa nagpakilalang Atty. Bighani Sipin, na chief of staff ni Congressman Lord Allan Velasco.
Si Velasco ang isa sa nagnanais na maging susunod na Speaker na suportado umano at manok ng isang kilalang negosyante na may-ari ng malalaking kumpanya sa bansa.
Nauna rito, lumabas din ang ilang media reports na ang kampo ni Velasco ang nag-aalok ng P1 million para sa boto ng bawat mambabatas, na doble naman sa halaga na iniaalok umano ng kampo ni Rep. Martin Romualdez, isa pang naghahangad na maging Speaker.
Inalmahan naman ng ilang organisasyon ang anila’y lantaran at harapang vote buying na ginagawa sa mismong loob ng iginagalang na institusyon ng Kongreso.