Pinabibitawan na ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian sa Mababang Kapulungan ang pagtalakay sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ayon sa kongresista, ipaubaya na lamang sa 17th Congress ang BBL lalo’t maaaring may ibang pagtingin ang susunod na administration sa panukala, at bahala na ito na magpasya sa continuity at sustainability nito.
Punto pa ni Gatchalian, mas realistic kung ang susunod na administrasyon na ang magtutuloy ng BBL dahil gagahulin sa oras kung mamadaliin ng kasalukuyang Kongreso ang panukala.
Hindi rin aniya garantiya na maipapasa ito ng Mababang Kapulungan sa Enero 2016 dahil mas magiging abala ang mga Kongresista sa eleksyon at tiyak na hindi masusustain ang quorum.
Bukod dito, kakain din daw ng oras ang interpelasyon, lalo’t marami pa rin ang humaharang at kumukwestiyon sa BBL.