Australian Broadcasting Company sinalakay ng pulisya; raid, kinondena
Sinalakay ng Australian Police ang headquarters ng Australian Broadcasting Company (ABC) sa Sydney, araw ng Miyerkules.
Ito ay dahil sa mga istorya na nai-cover ng kumpanya noong 2017 tungkol sa mga akusasyong hindi makatarungang pagpatay na ginawa ng Australian special forces sa Afghanistan.
Ayon sa mga opisyal ng ABC, hinalughog ng mga pulis ang kanilang opisina target ang tatlong mamamahayag na nanguna sa investigative report noong 2017 na ‘The Afghan Files’.
Noong 2017, nakakuha ang ABC ng mga dokumento nagsisiwalat sa pagpatay ng Australian special forces sa hindi armadong mga kalalakihan at pati na mga bata sa Afghanistan.
Ayon kay Executive Editor John Lyons, hiningi ng mga pulis ang access sa handwritten notes, emails, story drafts, footages at passwords ng mga reporters.
Iginiit naman ng Australian Federal Police na ang search warrant ay isinilbi dahil sa mga alegasyon na naglalathala ang ABC ng ‘classified materials’ o impormasyon na ‘confidential’.
Una rito, ni-raid din ng pulisya noong Martes ang bahay ng News Corp Australia journalist na si Annika Smethurst dahil sa ulat ukol sa umuusbong na kakayahan ng mga awtoridad na makapag-espiya sa Australians.
Giit ng Australian Federal Police, walang koneksyon ang dalawang operasyon.
Samantala, nakatanggap ng kaliwa’t kanang batikos mula sa mga grupo ng mamamahayag ang ginawang pagsalakay ng pulisya dahil pagsiil umano ito sa kalayaang mamahayag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.