Bumisita si Thailand Princess Maha Chakri Sirindhorn sa Manila Cathedral, ang Mother Church ng Pilipinas.
Sa pahayag ng Manila Cathedral kahapon, araw ng Miyerkules, naganap ang pagbisita ng Thailand Princess noong Martes, June 4.
Bahagi umano ang pagbisita ng educational tour ng student-cadets ng Chulachomklao Royal Military Academy of Thailand kung saan pinamumunuan ng Thailand Princess ang History Department.
Sinalubong nina Cathedral Rector, Fr. Reginald Malicdem at Vice Rector, Fr. Kali Pietre Llamado ang monarch official.
Tinunghayan ng Thailand Princess ang isang maliit na exhibit na nagpapakita ng kasaysayan ng Mother Church ng bansa.
Inilibot din ang Royal Highness sa simbahan at nagbigay paggalang ito sa dating mga Arsobispo ng Maynila na nakahimlay sa Cathedral crypt.
Malaking bagay para sa Thailand Princess na malamang ang yumaong Cardinal Rufino J. Santos ang nagtatag ng Caritas sa Pilipinas dahil nakikipagtulungan anya siya sa Caritas ng Thailand.
Samantala, nagkaroon ng palitan ng regalo ang Thailand Princess at sina Malicdem at Llamado.