Pilipinas hindi na dadalo sa climate change talks sa ibang bansa
Sinuportahan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa mga conference kaugnay ng climate change.
Ayon kay Locsin, hindi na niya papayagan ang pagdalo ng Pilipinas sa mga climate change talks sa ibang bansa.
Wala na anyang dahilan para pag-usapan ang isyu.
Dagdag ng Kalihim, ang gagawin na lamang ng Pilipinas ay bumoto ng “yes” sa lahat ng progresibong suhestyon para tugunan ang climate change.
“I am rejecting all official participation in climate change conferences requiring air travel. We’ll just vote Yes to radical proposals. No more talk,” ani Locsin.
Una rito sa kanyang biyahe sa Japan ay sinabi ng Pangulo na aksaya lamang ng oras ang pera ang mga climate change conferences.
Binanggit ng Pangulo ang pakikipag-usap niya kay United Nations Secretary General Antonio Guterres kung saan kinuwestyon nito ang sistema ng talakayan ng iba’t ibang bansa patungkol sa climate change.
“There are so many countries with so many bombs, atomic hydrogen and all. If any one of them would start to send one into the air, there’s a chance that it will be end of the world. That’s why climate change does not really matter to us at all,” pahayag nu Duterte noong May 31.
Sinabi pa ng Pangulo na ilang opisyal na ang kanyang sinibak dahil sa mga biyahe sa ibang bansa para lamang dumalo sa mga climate change conference.
Matatandaan na noong March 2017 ay pinirmahan ng Pangulo ang Paris deal ukol sa climate change kung saan mandato ng mga kasaping bansa na resolbahin ang epekto ng naturang phenomenon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.