Mga maagang nag-iingay sa speaker race, pinuna ng isang political analyst
Naniniwala ang isang political analyst na ang karaniwang nagbubuhat ng sariling bangko na siyang susunod na House Speaker ang siyang lumalabas na kulelat sa bandang huli.
Ito ang reaksyon ng political analyst na si Mon Casiple kasunod na rin ng obserbasyon na may frontrunner na sa House Speakership race na sinasabing may backer na business magnate at isa pa na may nakuhang maraming suporta mula sa mga kapwa-mambabatas.
Pinasaringan din nito si House Minority Leader Danilo Suarez sa pagsasabing mayroon nang 153 na mambabatas ang lumagda sa manifesto of support para kay Leyte Representative-elect Martin Romualdez.
Ani Casiple, hindi totoo at maituturing na imposible ang ipinalalabas na ito ni Suarez,
Aniya, walang mambabatas ang lalagda at magbibigay ng kanilang suporta batay lamang sa ipinakalat na manifesto.
Ukol naman sa suhulan sa Kamara kung saan umabot na umano sa P7 milyon ang vote buying sa Speakership, naniniwala si Casiple sa pagmamaniobra ng business tycoons para maipwesto ang kanilang manok sa pinakamakapangyarihang posisyon sa Kamara,
Aniya, noon pa man ay may implwuwensya na ang mga negosyante na tahimik na nagpopondo sa kanilang mga kandidato.
Lumutang dito ang pangalan ni San Miguel Corp. President Ramon Ang na sinasabing nagpopondo sa kandidatura ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa Speakership.
Para naman sa isa pang political analyst na si Ranjit Rye ng University of the Phiippines (UP), maituturing na may edge sa mga kandidato si dating senador at ngayon ay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano dahil na rin siya ang may sinabi pagdating sa lawak ng karanasan sa pulitika at may working relationship na kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang kritikal para sa nalalabing tatlong taong termino ng pangulo para masigurong maisusulong ang kanyang mga legislative agenda.
Dagdag pa ni Rye na naging vice presidential candidate ni Duterte si Cayetano noong 2016 election na isa sa mabigat na puntos nito.
Aniya, dito pa lamang ay iba na ang samahan sa pagitan ng pangulo at Cayetano na wala sa mga kalaban nito sa Speakership race.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.