Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, hindi na kayang pagtakpan ng administrasyong Duterte ang tunay na lagay ng ekonomiya at hindi na madadaan sa pagpapapogi kaya kailangan nang ibasura ang Tax Reform o TRAIN Law.
Sa simula pa lang aniya ay duda na sila sa computations noong nakaraang mga buwan lalo na sa gitna ng campaign period kung saan magkakasunod ang paghupa ng inflation nang sa gayon ay mapalakas ang kandidatura ng administration bets.
Iginiit pa ni Gabriela Representative Emmi De Jesus na kahit bahagya lamang ang itinaas ng inflation rate noong Mayo ay pasakit pa rin ito sa mga mahihirap dahil hindi naman tinataasan ang sahod ng mga manggagawa.
Ipinapakita umano nito na ang pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng gulay at singil sa utilities gaya ng kuryente tubig at transportasyon ay lubhang nakakaapekto sa mga Filipino.
Nangako naman ang mambabatas na sa pagpasok ng 18th Congress ay ipagpapatuloy nila ang isinusulong na pagbawi sa TRAIN Law at pagkakaroon ng P750 na national minimum wage.