Tagumpay ng Senado sa 17th Congress inisa-isa ni SP Sotto
Sa huling araw ng 17th Congress, naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na maipagpapamalaki nila sa sambayanan na natupad nila ang kanilang tungkulin sa bansa at mamamayan.
Ayon kay Sotto, kasama na ang panunungkulan ni Sen. Koko Pimentel, bilang Senate president, nakapaghain sila ng 2,235 na panukala, kung saan 464 ang naging ganap na batas at 1,048 na resolusyon.
Kabilang sa mga mahahalagang panukala na naipasa ay, ang Bangsamoro Organic Law, National Identification System, Universal Health Care Law, Mental Health Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Mandatory PhilHealth Coverage for PWDs, Corporation Code of the Philippines, Telecommuting Law, Magna Carta of the Poor, at ang Pantawid Pamilyang Pilipino Programs (4Ps) Act.
Sa kanyang valedictory speech, binanggit nito na kumpiyansa siya na napatunayan nila sa ilang pagkakataon ang pagiging independent ng Senado, tulad ng pagkupkop nila kay Sen. Antonio Trillanes IV nang magpalabas ang korte ng warrant of arrest.
Gayundin ang paninindigan nila sa 2019 budget bill na nadiskubreng hitik sa mga sinasabing anomaly.
Binanggit din ni Sotto ang mga isinagawang pagdinig ng kanilang ibat ibang komite, ang bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs, ang dayaan sa eleksyon, ang mga anomalya sa Barangay Health Centers program ng DOH at maging ang naranasang krisis sa tubig sa Metro Manila.
Aniya hindi naman talaga maitatanggi ang mga nagawa nila sa Senado dahil sa 72 percent satisfaction rating na ibinigay sa kanila ng publiko.
Sa kanyang talumpati ay isa-isa din pinapurihan ni Sotto ang 22 kapwa niya senador at nagbilin na rin ito na sa pagpasok ng bagong Kongreso ay ipagpapatuloy nila ang pagtatrabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.