Ayon kay Minority Leader at outgoing Quezon Rep. Danilo Suarez, kung mayroong dapat managot sa nangyaring failure of elections para sa party-list groups, ito’y ang Comelec dahil sa ginawa nitong kapabayaan at hindi ang provider na Smartmatic.
Ang poll body aniya ang gumastos ng labindalawang bilyong piso para sa procurement ng election paraphernalia at iba pang gamit habang nasa higit isang bilyong piso lamang ang ibinayad sa Smartmatic
Sinabi naman ni outgoing ACTS-OFW Rep Aniceto Bertiz na kailangang maimbestigahan at masampahan ng kaso ang mga supplier ng pumalyang SD cards na umabot sa 2,679, mas mataas nang di hamak sa higit isandaan noong 2016 elections.
Ito anya ay upang matukoy kung may kredibilidad ang mga naturang supplier at kung may karanasan na ba sa paglahok sa halalan.
Bukod pa rito, pinagpapaliwanag ng kongresista ang Comelec kung bakit hindi binuksan sa media ang server na nangangasiwa sa transmission ng resulta sa kasagsagan ng pitong oras na glitch para mas magkaroon ng transparency.