Endo hindi pa rin mawawala sa inaprubahang security of tenure bill – Rep. Villarin
Iginiit ni Akbayan Rep. Tom Villarin na hindi tuluyang winawakasan ng inaprubahang Security of Tenure Bill ang End of Contract o endo sa bansa.
Ayon kay Villarin, nakasaad sa adopted version ng Senate Bill 1826 na papayagan pa rin ang manpower agencies na maging lehitimong job contractors.
Wala ring partikular na salita o probisyon na nagbabawal sa fixed term employment habang hindi umano magiging epektibo ang pag-regulate sa labor only contracting dahil P5 milyon ang multa kahit gaano karami ang trabahador.
Kinuwestyon naman ni Villarin kung bakit hindi na dumaan sa bicameral conference committee ang panukala at basta na lamang inadopt ng Kamara.
Paliwanag nito, dahil sa nangyari sinira ng Kamara ang legislative process at nilinlang ang mga manggagawang nagpakahirap na isulong ang isang panukalang katanggap-tanggap.
bumigay anya ang liderato ng Kamara sa kagustuhan ng mga kapitalista na suportado naman ng Department of Finance (DOF) at hindi lingid sa kaalaman ng Malacañang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.