Sa isang pahayag araw ng Lunes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang imbitasyon sa royal couple ay ginawa ng presidente sa kasagsagan ng pulong kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa Akasaka State Guest House noong Biyernes, May 31.
Ipinaabot din anya ni Duterte ang best wishes ng mga Filipino sa pagtanggap ni Naruhito sa trono.
Ayon kay Panelo, isang malaking karangalan sa Pilipinas kung sakaling bumisita sina Naruhito at Masako sa bansa sa hinaharap.
Hindi na nagbigay pa ng detalye si Panelo ukol sa imbitasyon.
Noong January 2016 bumisita sa bansa ang ama ni Naruhito na si dating Emperor Akihito kasama ang kanyang asawang si dating Empress Michiko matapos imbitahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III.