Mahigpit na pagpapatupad ng fare discount sa mga estudyante iginiit

Hiniling ni Iligan City Rep. Frederick Siao sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahigpit na ipatupad ang student fare discounts sa lahat ng public utility vehicles ngayong balik-eskuwela na ang mga bata.

Ayon kay Siao, dapat maging patas at walang sasantuhin ang LTFRB sa implementasyon ng 20 percent na diskwento sa mga mag-aaral, senior citizens at persons with disabilities.

Kung tutuusin aniya ay dapat pang isama sa magbibigay ng discount ang mga taxi, FX at ride-sharing application na GRAB.

Paliwanag ng kongresista, maituturing na PUV ang GRAB at iba pang transport network companies dahil sa nakuhang certificates of public convenience at provisional authority to operate kaya wala dapat special treatment sa discount.

Maaari umanong ilagay sa booking menu ang fare discount bilang bahagi ng options at features.

Samantala, isusulong naman sa 18th Congress ang isang panukalang batas na magtatatag ng Commuters’ Welfare Fund kung saan ilalagay ang mga makokolektang multa na gagamitin para sa mga biktima ng aksidente sa kalsada.

 

Read more...