Mas mataas na buwis sa sigarilyo, inaprubahan ng Senado sa huling pagbasa
Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas ukol sa dagdag buwis sa mga sigarilyo.
Sa botong 20-0, lusot na ang Senate Bill 2233 na layong itaas sa P45 hanggang P60 kada pakete ang excise tax simula sa susunod na taon hanggang 2023 pagkatapos ay 5 porsyento ang dagdag buwis epektibo January 1, 2024.
Ang nakatakdang pagtaas sa escise tax ay ang sumusunod: P45 per pack epektibo January 1, 2020 hanggang December 31, 2020; P50 per pack sa January 2021; P55 per pack sa January 2022 at P60 per pack epektibo January 1, 2023.
Ayon sa Department of Finance (DOF), ang bill ay makakatulong na mapunan ang P40 billion na kulang na pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care law.
Isinusulong ng health advocates at mga tutol sa paninigarilyo ang mas mataas na excise tax para matugunan ang naturang bisyo at mabawasan ang bilang ng pagkamatay dahil sa sigarilyo.
Nananatiling mataas sa 23 percent ang smoking prevalence sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa.
Dahil sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na urgent bill, agad itong inaprubahan ng Senado matapos maipasa sa ikalawang pagbasa.
Sakaling i-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado, hindi na kailangang dumaan ang panukalang batas sa bicameral conference committee at dadalhin na ito sa Pangulo para maging ganap na batas.
Nakatakdang mag-adjourn ang 17th Congress Martes June 4 dahil ang June 5 ay holiday habang ang 18th Congress ay magsisimula sa July 22.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.