Villar itinanggi na interesado siya sa Senate presidency
Hindi pa naglalabas ng desisyon ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) kung sino ang susuportahan para sa Senate presidency.
Sa isang panayam, sinabi ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel the third, presidente ng PDP-Laban, kokonsultahin pa ang lahat ng kanilang miyembro sa nasabing usapin.
Matatandaang inilahad ni Senator-elect Imee Marcos na mayroong isinasagawang hakbang para itulak si Senadora Cynthia Villar na maging susunod na Senate president.
Ibinunyag din ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na si Senator-elect Francis Tolentino ang nangunguna sa nasabing hakbang.
Sinabi naman ni Tolentino na susunod siya sa magiging desisyon ng PDP-Laban.
Kanina ay hindi naman napigilan ni Sen. Cynthia Villar na kumprontahin sina sina Sen. Manny Pacquiao at Koko Pimentel.
Sinabi ni Villar na dapat ay mag-usap ang mga miyembro ng PDP-Laban kasama si Sotto at huwag siyang isama sa mga hakbang na humihingi ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Kanina ay labingtatlong mga senador ang pumirma sa isang resolusyon na naghahayag ng suporta kay Senate President Tito Sotto.
Kabilang dito sina Manny Pacquiao, Panfilo Lacson, Sherwin Gatchalian, Grace Poe, Aquilino Pimentel III, Nancy Binay, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, Ralph Recto, at Juan Edgardo Angara.
Kasama rin sa mga lumagda sina Loren Legarda, Francis Escudero, at Gringo Honasan.
Hindi pumirma sa resolusyon si Villar na kasapi ng majority bloc.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.