Bagyong Nona magla-landfall sa Oriental Mindoro
May ikalimang landfall ang bagyong Nona at inaasahang ito ay tatama sa kalupaan ng Oriental Mindoro bago magtanghali ngayong araw.
Ang unang tatlong landfall ng bagyo kahapon ay sa Batag Northern Samar, Bulusan Sorsogon, at Burias Island. Habang ang ikaapat na landfall ng bagyo ay naganap kaninang 5:30 ng umaga sa Banton, Romblon/
Ayon sa PAGASA, inaasahang hihina na at magiging isang severe tropical storm na lamang ang bagyong Nona kapag ito ay tumama sa kalupaan ng Oriental Mindoro mamaya, magiging isang storm na lamang bukas at magiging tropical depression sa Huwebes.
Sa latest weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Nona sa 40 km North Northeast ng Romblon, Romblon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 170 kph. Pa-kanluran pa rin ang direksyon ng bagyo sa bilis na 15 kph.
Sa ngayon nakataas pa rin ang public storm warning signal number 3 sa Romblon, Marinduque, Mindoro Provinces kabilang ang Lubang Island. Signal number 2 naman sa Burias Island, Southern Quezon, Batangas at
Calamian Group of Island habang Signal number 1 sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, Bataan, Bulacan, Rest of Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Masbate, at Ticao island
Bahagya ding lumiit ang diameter ng bagyo mula sa dating 300 kilometers ngayon ay 250 kilometers na lamang.
Inaasahan ng PAGASA na simula bukas o ‘di kaya ay sa Huwebes, gaganda na ang panahon sa Metro Manila at mga lalawigan sa Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.