Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), namonitor nila na magkakaroon ng siksikan at kakulangan sa mga pasilidad sa mga paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni ACT secretary general Raymond Basilio na iniulat sa kanila ng mga guro mula sa 15 rehiyon na nakaamba ang dati nang naranasang mga problema sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Sa Region 1 at 6, siksikan umano ang mga estudyante at guro sa mga silid na gawa sa plantsang yero habang sa Region V ay nagdaraos ng klase sa mga kubi.
Init at ulan naman ang mararanasan ng maraming estudyante sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda sa Region VIII dahil gawa sa plywood ang ilan sa mga classroom.
Sinabi ng ACT na sa Metro Manila, marami pa ring ulat ng mala-sardinas na sitwasyon sa mga silid-paaralan kung saan ilan sa mga ito ay hinati para lamang ma-accomodate ang mga estudyante habang ang ibang paaralan ay nagpapatupad ng shifting sa klase.
Una rito, nanindigan ang DepEd na isolated cases lamang ang mga problemang ito at hindi ito sumasalamin sa sitwasyon ng mayorya sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Education Undersecretary for operations Jesus Mateo, ang siksikan ay kadalasang nararanasan sa mga eskwelahan sa mga urban areas dahil sa kakulangan ng espasyo.
Ayon naman kay Education Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla, patuloy ang konstruksyon ng 66,000 classrooms na pinondohan noong 2018.
Animnapung porsyento na umano sa mga bagong classrooms ay tapos na ang konstruksyon ayon kay Public Works Assistant Secretary Antonio Molano.
Samantala, nakatakdang bisitahin ni Education Secretary Leonor Briones ang Signal Village National High School sa Taguig City at Comembo Elementary School sa Makati para personal na makita ang sitwasyon sa pagbubukas ng klase.