28 milyong estudyante balik-eskwela ngayong araw
Balik-eskwela ang humigit-kumulang 28 milyong estudyante sa pormal na pagsisimula ng Taong-Panuruan 2019-2020 ngayong araw ng Lunes, (June 3).
Nauna nang nagpahayag ng kahandaan ang Department of Education (DepEd) sa muling pagbubukas ng klase sa araw na ito.
Inilunsad ng DepEd ang National Oplan Balik Eskwela (OBE) na tatanggap ng mga katanungan at hinaing sa pagbabalik-eskwela ng mga bata hanggang sa June 7.
Inanunsyo rin ni Education Secretary Leonor Briones noong nakaraang linggo ang ginagawang hiring ng gobyerno sa 10,000 bagong public school teachers at konstruksyon ng higit 80,000 bagong classrooms.
Layon ng gobyerno na maibaba ang class-to-student ratio sa 1 is to 45 sa elementarya at 1 is to 25 sa kindergarten.
Nasa 120,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa para tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik eskwela.
Magpapatupad din ng traffic management operations ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paligid ng mga paaralan lalo na sa University Belt sa Maynila.
Ang Christmas Break ang mga mag-aaral ay sa December 15, 2019 hanggang January 5, 2020.
Pormal namang magsasara ang taong panuruang ito sa April 3, 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.