Kung bakit pinalilipas ng mga kumpanya ng langis ang Sabado, Linggo at Lunes ang alinmang pagbabago, rollback man o increase, ay hinahanap ko pa rin ang kanilang dahilan. Kung susuriin, merong “minimum fuel inventory requirement” na labinlimang araw (15 days) mga oil companies. Ibig sabihin, bumaba man o tumaas ang presyo ay hindi sila agad apektado.
Kaya ko sinasabi ito ay bulgar na ang magandang ginagawa ng Phoenix Petroleum na nagbababa ng kanilang presyo ng langis tuwing Sabado ng tanghali, kapag natapos na ang weekend trading sa MOPS tuwing biyernes.
Kapag may oil price increase naman, sumasabay ang Phoenix sa karamihan ng mga oil companies na nagtataas ng presyo tuwing Martes. Nalulugi ba ang Phoenix sa ganitong Sistema, Sabado kapag rollback at Martes kapag oil price increase? Palagay kop o , hindi. Ang alam ko rin , noon pang 2018 ginagawa ito ng Phoenix.
Pero bakit hindi sila tinitularan ng iba pang oil companies? Bakit ayaw itong iutos ng Department of Energy?
Dahil sa 15 days fuel inventory, wala talagang nalulugi, ang diperensya lamang ay ang katakawan ng ibang oil companies na tumatabo ng pera ng tatlong araw (Sabado,Linggo at Lunes).
Kilala niyo na kung sinu-sinong mga kumpanya ng langis ang mga masisibang iyan.
Pwede palang Sabado ang oil price rollback, pero ginagawa pa ring Martes ng mga makakapal ang sikmura at ganid na oil companies.
***
Nalulungkot ako sa nangyayaring pagpili ng bagong Senate President at House Speaker sa bagong Kongreso.
Sa Senado, lumilitaw na may katunggali si SP Tito Sotto kay Sen. Cynthia Villar. Ito’y dahil hindi magkasundo ang mga bago at “incumbent senators” sa mga Committee chairmanships. Itong si Senador Richard Gordon, nagpatutsada pa ng posibleng “votebuying”.
Ganoon din sa Kamara kung saan pera-pera ang naririnig natin sa mga magkakatunggali. Lima ang naglalaban, Pantaleon Alvarez, Martin romualdez, Alan Cayetano, Lourd Velasco, at Loren Legarda.
Nasaan na ang mga “prinsipyo” at bakit handa silang magbayad o magpabayad para saa makapangyarihang pwesto ng Senate President at House Speaker? Siyempre, pera at kapangyarihan ang mga dahilan.
Kung tutuusin, sa July 22 pa ang pormal na botohan para sa dalawang pwesto na ito, pero ngayon pa lamang, nagliliyab na ang labanan sa “commitment” ng mga boboto sa bawat pasksyon.
Halimbawa, sa Senado, merong dalawampung kapanalig daw na pabor kay Sotto, pero marami ang nadidismaya dahil hindi umano makasulong ang “legislative agenda” ng Duterte administration, lalo na iyong nakaraang 2019 national budget na umabot pa ng hanggang Marso bago nakalusot. Isa pa , ang mahahalagang committee chairmanships ay hawak pa rin ng “incumbents” lalo na ang mga taga-Liberal Party. Marami rin ang naiingayan ditto kay Senador Ping Lacson na may hawak ng Senate Finance Committee na umano’y hawak sa leeg si Sotto at ang Duterte administration.
Kaya’t magbabantay tayo. Pera-pera, kapangyarihan kasama na ang Presidential ambitions sa 2022, ang naglalaro rito. Abangan natin ang susunod na kabanata.
(Panoorin ang Banner story 8-9am DZIQ 990AM Lunes-Biyernes at mag-email sa jakejm2005@yahoo.com para sa comments)