Napatay sa magkahiwalay na operasyon sa Nueva Ecija ang dalawang suspect na pinaghihinalaang nagtutulak umano ng ipinagbabawal na droga.
Kinilala ni Police Col. Leon Victor Rosette, hepe ng tanggapan ng pulisya sa Nueva Ecija noong Linggo ang mga suspek na sina Benjamin dela Merced ng Aduas Sur at Noelito Balmeyo ng Purok 2, Barangay Imelda.
Sinabi ni Rosete na napatay si Dela Merced sa isang buy-bust operation sa Barangay Canaan West, sa bayan ng Rizal noong Sabado sa ganap na 9:15 ng umaga. Habang sa Barangay Baterya, Gabaldon naman napatay si Balmeyo noong Linggo sa ganap na 2:00 ng umaga.
Ayon sa pulisya ay naunang nagpaputok ng baril ang mga suspek sa mga operatiba matapos makaramdam ang mga ito na undercover agent ang kanilang kausap, na siya namang nag udyok sa mga pulis na magpaputok pabalik.
Parehong armado ang dalawang suspek ng .38 caliber revolver at kapwa nakuhaan ng ilang sachet ng hinihinalang shabu.