Mga beteranong senador gulat sa agenda ng ilang neophyte senators

Nagulat ang ilang beteranong Senador sa tila katapangan ng mga bagong miyembro ng Senado sa pagsusulong ng kanilang agenda kabilang ang posibleng pagpapalit ng pamunuan ng Senado at mga komite.

Nasorpresa si Senator Panfilo Lacson sa anyay “posturing” ng mga incoming Senators at hayagan nilang pagsasabi ng kanilang kagustuhan na maging pinuno ng mga komite.

Ito anya ay unang pagkakataon na hayagan ang pagnanais ng mga bagong Senador na mamuno sa mga komite nang hindi man lang nagpapakita ng paggalang sa mga kasalukuyang chairpersons.

“This is the first time I am seeing new senators, brazenly wanting a committee without even showing some courtesy to incumbent chairpersons,” ani Lacson.

Dagdag ng Senador, lahat sila ay dumaan sa status na pagiging neophyte at tradisyon para sa bagong Senador na magpasintabi sa kasalukuyang pinuno ng komite na kanilang gustong pamunuan.

“All of us had to go through the status of being a neophyte,” he said, adding that as a tradition, incoming senators would “knock on the door” of the incumbent committee chair,” dagdag ni Lacson.

Pahayag ito ni Lacson sa gitna ng isyu na ang nanguna sa May 13 elections na si Senator Cynthia Villar ang ikukunsiderang papalit kay Senate President Tito Sotto at suportado ito ng kanyang mga kapartido na sina Senators-elect Imee Marcos at Francis Tolentino.

Naiintindihan naman ni Sotto ang reaksyon ni Lacson sa paraan ng pag-demand ng mga incoming senators sa committee chairmanships at anya, hindi pa ito nangyari dati.

May tradisyon anya sa Senado na tinatawag na “equity of incumbent” sa pagpili ng mamumuno ng komite kung saan may preference o namimili ang kasalukuyang mga senador sa komite na nais nilang pamunuan.

Dagdag ni Sotto, hindi ang Senate President ang namimili ng mga chairman ng komite kundi binoboto ang mga ito ng mayorya na kalimitang pro-administration.

Kaya payo ni Sotto sa mga bagong Senador, maghintay at aralin muna ang sistema sa Senado.

 

Read more...