Ito ang ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson bunsod anya ng usapan nila ni Sotto.
Sa text message para kay Sotto, sinabi ni Senator-elect Imee Marcos na si Tolentino ang namimilit umano kay Villar na lumaban bilang Senate President.
Ayon kay Lacson, sinabi rin sa kanya ni Sotto na humingi sa kanya ng paumanhin si Marcos na nagsabing nagkaroon lamang ng misunderstanding o hindi pagkakaunawaan.
Nabanggit lang umano ni Marcos si Villar dahil magka-partido sila.
Una rito ay sinabi ni Marcos na susuportahan niya si Villar na kanyang kapartido sa Nacionalista Party sakaling magkaroon ng pagpapalit sa Senate leadership.
“At sinabi niya ang talagang kumausap kay Senator Villar si Senator-elect Tolentino, at yan talaga ang nagpu-push na subukan na makipagsapalaran, makipagtunggali at baka sakaling makakkuha ng numero. Pero lahat yan parang pagpaplano,” ani Lacson.
Wala umanong ideya si Lacson kung bakit pursigido si Tolentino na palitan si Sotto.
Bago dito ay gumawa si Lacson ng draft ng resolusyon na pipirmahan ng mga Senador sa Lunes para malaman kung sino ang suportado pa rin ang pamumuno ni Sotto.
Pero paglilinaw ni Lacson na ang naturang ideya ay orihinal na ipinanukala umano ni Senator Manny Pacquiao.