Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang Salary Standardization Law (SSL) IV na naglalayong pataasin ang natatanggap na sahod ng mga government employees simula sa susunod na taon.
14 senador ang bumoto na aprubahan ang SSL 2015 o ang Senate Bill No. 2671, kabilang sina Senate President Franklin Drilon, Senators Sonny Angara, Bam Aquino, Nancy Binay, Pia Cayetano, JV Ejercito, Francis Escudero, Teofisto Guingona, Loren Legarda, Sergio Osmena, Aquilino “Koko” Pimentel III, Ralph Recto, Vicente Sotto III at Cynthia Villar.
Ayon ka Sen. Antonio Trillanes IV na nag-sponsor ng panukala, hahatiin sa apat ang implementasyon ng SSL na magsisimula sa January 1, 2016 hanggang January 1, 2019.
Sa pamamagitan aniya ng paunti-unting pag-umento sa sahod ng mga government employees kabilang na ang mga nurse at sundalo, mas magiging malapit na ang kanilang sahod sa mga natatanggap ng mga nasa pribadong sektor.
Bukod din sa dagdag sa buwanang natatanggap na sweldo ng mga empleyado, madaragdagan din ang kanilang mga allowances at benepisyo tulad na lang ng 14th month pay, mid-year bonus at enhanced performance-based bonus na katumbas ng isang buwang sweldo o doble pa.
Inaasahan na mas pagbubutihin ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang pagta-trabaho dahil sa mas magandang pasweldong hatid ng SSL.