May posibilidad na madagdagan ang bilang ng mga Filipinong Santo.
Ito ay matapos ideklara ng Prefect of the Congregation for the Causes of Saints sa Vatican si Darwin Ramos bilang isang ‘Servant of God’.
Ayon sa ulat ng CBCP News, pinasisimulan na sa Diocese of Cubao ang proseso para sa beatification at canonization ni Ramos.
“The Vatican has given us the go signal to go deeper in his life how he lived his faith and how he gave witness to Jesus to whom he was very close,” ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco.
Si Ramos ay ipinanganak noong 1994 sa Pasay City at sa murang edad ay naging mangangalakal para makatulong sa pamilya.
Gayunman, nagkaroon ito ng sakit na tinatawag na Duchenne muscular dystrophy dahilan para hindi na ito makatayo at humina ang kanyang muscles.
Taong 2006 ay nakiisa si Ramos sa isa sa mga centers ng Tulay ng Kabataan (TnK) na tumutulong sa mga batang kalye.
Nadiskubre niya ang pananampalatayang Katoliko taong 2007 at sa taong ito natanggap ang sakramento ng binyag, komunyon at kumpil.
Makalipas ang ilang taon ay humina pa si Ramos ngunit patuloy na naging halimbawa sa staff at kapwa kabataan sa kinabibilangang charity group.
Sinabi ni Bp. Ongtioco na sa kabila ng karamdaman ay lumalim pa lalo ang ugnayan ng teenager sa Panginoong Hesukristo.
Kahit nahihirapan, nanatili ang friendly attitude nito at laging nagpapasalamat sa mga tumutulong sa kanya.
Pumanaw si Ramos sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City noong September 23, 2012 sa edad na 17.
Ayon kay Bp. Ongtioco, huwaran ng kabanalan si Ramos na sa kabila ng dusa at ligaya ay nakikiisa sa Panginoon.
“Darwin is an example of holiness. Being a street child, afflicted with myopathy, he is closely united with Christ in his suffering and joy,” giit ng obispo.
Sa pagiging ‘Servant of God’ ay lalalim ang pagsiyasat sa buhay ni Ramos at bubuoin ang opisyal nitong talambuhay.
Matapos ang pagiging ‘Servant of God’ dadaan pa sa tatlong proseso para maging Santo si Ramos.