Signal ng barko ng Coast Guard nag-jam habang nagpatrulya sa West PH Sea

Credit: Phil. Coast Guard FB

Nag-jam o tila nagkaroon ng interference ang signal ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa gitna ng patrulya sa West Philippine Sea.

Ayon sa isang opisyal ng PCG na ayaw magpangalan, hindi maka-konekta sa barko sa pamamagitan ng satellite phone sa bahagi ng patrulya nito sa Spratly Islands.

“We could not communicate with our vessel by satellite phone at some point during their patrol in the Spratly Islands. The signal was jammed,” ayon sa opisyal ng Coast Guard.

Naglayag ang BRP Sindangan, isang Parola-class vessel ng Phil. Coast Guard malapit sa Panganiban o Mischief Reef at Ayungin Shoal bilang bahagi ng routine patrols.

Ang Panganiban Reef ay matatagpuan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas pero nagtayo ang China ng malawakang artipisyal na isla sa lugar sa nakalipas na mga taon.

Habang ang Ayungin Shoal ay inookupa ng bansa sa pamamagitan ng BRP Sierra Madre na isang naval floating outpost.

Dahil sa limitadong range o sakop ng kanilang mga radyo, gumagamit ang PCG ng satellite phones sa komunikasyon sa mainland.

Pero may bahagi ng patrulya kung saan tila mayroong nag-interfere sa signal ng barko.

Ayon sa opisyal, hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng signal jamming.

“Whenever our ships are close to China-controlled areas or vessels, they can no longer use their satellite phones likely because of the signal jammers,” pahayag ng opisyal.

Dagdag ng opisyal, hindi lang sa Spratlys may signal jamming dahil may parehong sitwasyon na nag-jam ang satellite phones kapag malapit ang mga barko ng Coast Guard sa Panatag o Scarborough Shoal na isang fishing ground na kontrolado na ng China Coast Guard mula noong standoff taong 2012.

 

Read more...