Nanawagan ang militar sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na makipagtulungan sa kanila sa pagsugpo sa lumalaganap na bentahan ng iligal na droga sa mga komunidad ng mga Moro.
Mismong si 2nd Mechanized Brigade commanding officer Col. Gilbert Gapay ang nanguna sa nasabing panawagan sa MILF dahil sisimulan na nila ang kanilang sariling operasyon laban sa mga nagbebenta ng shabu.
Nakatakdang simulan ng MILF ang operasyon ngayong araw ng Martes, December 15, alinsunod sa inilabas nilang direktiba noong nakaraang buwan na naglulunsad sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon kay Gapay, naglabas na sila ng kanilang apela sa MILF kaugnay dito at umaasa silang makatanggap ng magandang resulta.
Naniniwala siya na kung magtutulungan ang Philippine Army at ang MILF sa parehong layunin, mas malaki ang resultang kaya nilang makamit.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang grupo ni Gapay sa joint ceasefire committe hinggil sa mga ganitong sariling pag-aksyon ng MILF na “law enforcement” umano ang layunin, dahil para sa kaniya, di hamak na mas maigi nang magtulungan sila para wala ring malabag sa implementasyon ng ceasefire agreement.
Marami na aniyang nakamit na magagandang resulta ang Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), na isang mekanismo sa ilalim ng ceasefire agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF kung saan nagtutulungan sila sa mga operasyon.
Partikular na naging makahulugan ang pagsasamang ito sa mga operasyon laban sa mga teroristang konektado sa Al-Qaeda, ngunit nabahiran ito nang hindi masunod ng mga police commandos ang mga protocols noong January 25 na siyang ikinamatay ng SAF 44.