Matapos ang 10-oras na proseso ng pagkakarga, sinabi ni SBMA deputy administrator for port operations Rani Cruz na natapos ang loading ng 69 na containers na naglalaman ng basura sa MV Bavaria alas 3:20 ng madaling araw ng Biyernes, May 31.
Natagalan ang pag-alis ng barko dahil hindi ito ekslusibo para lang sa containers na naglalaman ng basura.
Pasado alas 7:00 ng umaga nang magsimulang maglayag ang barko pabalik ng Canada.
May stopover muna sa Kaohsiung, Taiwan ang barko dahil mayroon pa itong kukuhaning kargamento doon.
Inaasahang darating sa Port of Vancouver sa Canada ang nasabing mga container na may lamang basura sa June 22.
Ayon sa Local Canadian Press, sa sandaling dumating sa Canada, ang mga basura ay susunungin sa kanilang waste-to-energy facility sa Burnaby.