Sa media briefing sa Malacañang, sinabi ni PAGASA deputy administrator Flaviana Hilario na posibleng magsimula na ang tag-ulan sa una o ikalawang linggo ng Hunyo.
Ang tag-ulan ay partikular na mararanasan sa western portions ng bansa at ang dominanteng wind system ay ang Habagat.
Nang tanungin kung delayed ba ang pagpasok ng tag-ulan dahil sa El Niño, sinabi ni Hilario na nasa normal period pa rin ito.
Kadalasan umanong pumapasok ang rainy season ng second half ng Mayo at first half ng Hunyo.
“Ang normal po natin ay either second half of May hanggang first half of June,” ani Hilario.
Bagaman papasok na ang tag-ulan sinabi rin ng PAGASA official na mataas pa rin ang tyansa na maranasan ang El Niño hanggang sa Agosto o posible pang hanggang katapusan ng taon.