Department of Finance humirit ng fiscal reforms sa 18th Congress
Ngayon pa lamang ay may pasalubong ng panawagan sa ika-18 Kongreso ang Department of Finance o DoF.
Hiniling ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Senado na ipagpatuloy ang pagbalangkas ng fiscal reforms na magpapaganda sa record ng Pilipinas.
Ito aniya ang magsisilbing daan upang makakuha ng magandang pagkakataon ang bansa na makuha ang single A grade upang mapalawig ang credit ratings ng bansa sa susunod na dalawang taon.
Pinaliwanag ng Kalihim, na hindi lamang ang pamahalaan ang makikinabang sa single A investment credit rating kundi maging ang pribadong sektor ng mga mamumuhunan lalo na kung maglalagay sila ng investments upang magkaroon ng economic expansion.
Maging ang mga ordinaryong Filipino rin aniya ay saklaw sa pakinabang na ito dahil bababa rin ang interest rate ng kanilang mga utang o loan.
Sa sandali aniyang makamit ang single A investment grade credit rating, lalawak aniya ang investment at ito ay mangangahulugan ng maraming trabaho sa mga manggagawang Filipino.
Ang finance chief ay nakipagpulong kay Senate President Tito Sotto III kasama ang ilang senador sa muling pagbubukas ng ika-17 Kongreso bago ito mag-adjourn.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.