Hilagang Luzon apektado ng frontal system

Makaka-apekto pa rin sa Hilagang Luzon ang frontal system na maaaring magdala ng kalat-kalat na mga pag-ulan.

Ang frontal system ay ang boundary ng pagsasalubong ng malamig at mainit na hangin na nagdadala ng kalat-kalat na mga pag-ulan.

Ayon kay Ariel Rojas weather specialist ng PAGASA, wala namang binabantayang sama ng panahon na posibleng mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa susunod na tatlo hanggang limang araw.

Dahil sa epekto ng frontal system, maulap na papawirin na may kalat-kalat na mahihina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley at Sa Central Luzon.

Asahan na rin na may intervals na intense to severe ang mararanasang thunderstorms na posibleng magdulot ng ng flash floods sa ilang bahagi ng Northern at Central Luzon.

Ang Metro Manila naman at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng mainit at maalinsangang panahon mula ngayong umaga hanggang mamayang hapon pero pagdating ng gabi ay makakaranas naman ng maulap na papawirin at panaka-nakang mga pag-ulan dahil sa mga inaasahang localized thunderstorm.

Makararanas naman ng mahina hanggang sa katamtamang ihip ng hangin ang Visayas at Mindanao. (JT)

Read more...