Nasawi ang limampu’t limang preso makaraang sumiklab ang serye ng riots ng mga gang sa apat na piitan sa western Brazil.
Ayon kay state of Amazonas Governor Wilson Lima, 15 ang namatay noong Linggo habang 40 naman noong Lunes sa mga kulungan sa city of Manaus.
Ayon sa mga awtoridad ang ‘Northern Family’ na third most powerful gang ng Brazil ang pasimuno sa mga pagpatay.
Pinagsasaksak umano ng mga gang members ang kanilang mga kalaban gamit ang mga pinatulis na toothbrush at pinagsasakal ang mga ito hanggang mamatay sa harap mismo ng mga bumibisitang kapamilya.
Dahil dito sinabi ni Justice Minister Sergio Moro na plano na ng Brazilian government na ilipat ang siyam na gang leaders sa maximum security prisons upang mabawasan ang tensyon.
Binatikos naman ng human rights group na Conectas ang gobyerno sa umano’y pagkukulang nito na magpapatupad ng kaayusan sa mga piitan.
Iginiit ng grupo na hinayaan ng pamahalaan na maging siksikan ang Anisio Jobim penitentiary na may kapasidad lamang na 454 preso ngunit higit doble na ang nakakulong dito.
Naging recruitment centers na anila para sa mga gang ang mga piitan.