Hindi magkakaroon ng pagkakataon si Pangulong Rodrigo Duterte na makapulong si Emperor Naruhito sa kanyang apat na araw na pagbisita sa Japan.
Ayon kay Ambassador to Japan Jose Laurel V, hindi posible ang pulong ng dalawa dahil masyadong partikular sa tradisyon at mga protocol ang mga Hapon.
Pinipili anya ng emperor ang maaaring bumisita sa kaniya.
“You see the Japanese are very ‘protocolar.’ They are very traditional. They actually choose who visits them,” ani Laurel.
Giit pa ni Laurel, may sistema sa Japan na dapat munang makoronahan ang emperor bago ito mabisita ng mga state leaders.
Sa katunayan anya, walang lider na dadalo ng 25th Nikkei Conference on the Future of Asia sa Tokyo na makakapulong ang emperor.
“No one will see him not even anyone of the five that were invited to speak at Nikkei because Nikkei is a private affair,” giit ni Laurel.
Kung palulusutin anya si Pangulong Duterte ay dapat ding pagbigyan ang apat na iba pang lider.
Sa kabila ng pahayag ni Laurel, nakapulong na ni U.S. President Donald Trump si Emperor Naruhito na siyang kauna-unahan at katangi-tanging state leader na nakagawa sa ngayon.
Kokoronahan si Naruhito sa October 22 makaraang tapusin na ng kanyang amang si Akihito ang tatlong dekadang pamumuno sa monarkiya.