Epekto ng bagyong Nona, mararamdaman sa Metro Manila bukas
Simula bukas ay mararamdaman na sa Metro Manila ang epekto ng bagyong Nona.
Ayon kay PAGASA forecaster Aldczar Aurello, mamayang gabi ay posibleng magtaas na sila ng public storm warning signal number 2 sa Metro Manila.
Bukas kasi ay inaasahang nasa bahagi ng Marinduque ang bagyong Nona.
Matapos maglandfall sa bahagi ng Batag Island sa Northern Samar kaninang alas 11:00 ng umaga, inaasahan ng PAGASA na muling tatama sa kalupaan ng Sorsogon ang bagyong Nona mamayang gabi.
Dadaan din ito sa bahagi ng Albay at Burias Island.
Sa pagtaya ng Project Noah ng Department of Science and Technology (DOST) maghahatid ng malakas na pag-ulan ang bagyong Nona sa Bicol region at Samar area.
Sa Miyerkules ay lalabas ng Philippine landmass ang mata ng bagyo at sa Biyernes ng umaga, inaasahan ng PAGASA na tuluyan na itong lalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.