Dalawang lalaki ang nasawi sa nasunog na boarding house sa Alonzo St. Sta. Cruz, Maynila Lunes ng gabi.
Una nang napaulat na nawawala ang dalawa at natagpuan na lamang ang kanilang mga labi ilang sandali matapos ang sunog.
Kinilala ang mga biktima na sina Jay Saavedra at Ali Jaranta na kapwa magkatrabaho sa isang tindahan ng fresh seafood malapit mismo sa inuupahang boarding house.
Nakalabas na ng bahay si Jaranta ngunit ayon sa kanyang mga kasamahan, bumalik pa ito para kunin ang kanyang passport at dokumento dahil paalis ito ng bansa.
Kwento naman ng gwardyang si Matronillo Amado, namataan pa si Saavedra na kumakaway habang nasa ikatlong palapag at humihingi ng tulong.
Madaling natupok ang boarding house dahil ang loob nito ay pawang gawa sa kahoy.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at tuluyang naapula alas-9:07 ng gabi.
Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang apoy sa katabing mga informal settlers at nadamay lamang ang boarding house.
Ang sunog ay nakuhanan ng video ng netizen na si Melvin Villamil.
Sunog sa Recto cor T Alonzo Sta Cruz Manila pic.twitter.com/8zDR9r8jgQ
— Melvin (@melvinvillamil) May 27, 2019