Agad na magbibitiw sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte kapag tumakbong speaker ng Kamara ang kanyang anak na si incoming Davao City Congressman Paolo Duterte.
Sa talumpati ng pangulo sa oath taking ng mga government officials ngayong hapon sa palasyo, isinapubliko ng pangulo ang kanyang panawagan sa anak na si Paolo na abisuhan siya ng tatlong araw bago i-anunsyo ang pagtakbong speaker para makapag resign na siya bilang punong ehekutibo.
Paliwanag ng pangulo, hindi na maaring maging speaker ang kanyang anak dahil marami na sila sa gobyerno.
Halimbawa na lamang ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara at incoming vice mayor sa lungsod na si Sebastian “Baste” Duterte.
Sinabi pa ng pangulo na mayroon namang sariling desisyon ang kanyang mga anak gaya ni Paolo..pero pakiusap ng pangulo….abisuhan lamang siya ng maaga kung talagang tatargetin nito ang pagiging pinuno ng lower house.
Nauna na ring napaulat na contender sa house speakership sina Cong. Lord Allan Velasco ng Marinduque, Alan Cayetano ng Taguig City, Pantaleon Alvarez ng Davao Del Norte, Martin Romualdez ng Leyte at Ace Barbers ng Surigao Del Norte.