Higit 270,000 kilo ng basura mula sa Manila Bay naharang ng PRRC
Napigilan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang backflow ng 278,850 na kilo ng basura mula sa Manila Bay patungo sa Pasig River.
Sa isang statement araw ng Sabado (May 25), sinabi ng PRRC na ang libu-libong kilo ng basura ay nakolekta mula April 27 hanggang May 23.
Paliwanag ng ahensya, tuwing panahon ng tag-init, ang lebel ng tubig mula sa Laguna de Bay ay nagiging mas mababa sa antas ng high tide sa Manila Bay na nagreresulta naman sa backflow ng seawater at mga basura ng Manila Bay sa Pasig River.
Ayon kay PRRC executive director Jose Antonio Goitia, hindi nila hahayaang maapektuhan ng backflow ang umaayos na kalidad ng tubig at Pasig River at Laguna de Bay.
Ginagawa anya ng ahensya ang lahat na mapigilan ang mga basura kahit limitado ang kanilang resources.
“We do not want the backflow to affect the water quality improvement so far of the Pasig River and even of Laguna Lake so we are doing our best to intercept the solid wastes given our limited resources,” ani PRRC executive director Jose Antonio “Pepeton” E. Goitia.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng cleanup operations ang PRRC sa 27-kilometrong kahabaan ng Pasig River gamit lamang ang dalawang trash boats mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kahapon, araw ng Biyernes (May 25), nagsagawa ng massive cleanup operations ang PRRC sa mga bahagi ng Manila Bay at Pasig River sa Baseco at Parola.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.