Dagdag na ‘iregularidad’ sa Makati Parking Bldg. project, naungkat

 

Inquirer file photo

Mas marami pang naungkat na iregularidad ang Commission on Audit sa kontrobersyal na Makati Parking Building II project matapos isalang ito sa special audit.

Sa 57-pahinang ulat ng 3-man special team ng COA, lumilitaw na bukod sa pagiging ‘overpriced’ at ‘drawing’ na mga bidding, lumalabas din na hindi naging bahagi ng Annual Procurement Plan o APP ang lahat ng limang phases ng konstruksyon ng gusali.

Mula 2007 hanggang 2011, tumanggap din umano ng mga advance payment ang kontratista na Hillmarc’s Corporation at dinagdagan ang budget sa konstruksyon kahit tapos nang  i-award ang kontrata.

Batay pa rin sa report na nakuha ng Inquirer, nagmula sa supplemental budget mula sa iba’t-ibang mga construction projects sa lungsod na umaabot sa P14.08 bilyon ang P2.2 bilyon na ginamit sa pagpapatayo ng Makati City Parking Building 2.

‘Bloated’ din umano ang mga statements of receipts and expenditures mula 2007 hanggang 2008 ng P3.54 bilyon na galing sa mga utang  sa Landbank na hindi naman aktuwal na nirelease ng bangko maliban noong taong 2010.

Matatandaang una nang ipinangako ni COA Chair Pulido Tan na kukuha ito ng rekomendasyon mula sa mga eksperto bukod pa sa kanilang mga regular auditors upang busisiin ang records ng kontrobersyal na gusali at iba pang mga kinukuwestyong proyekto sa Makati City.

Unang naungkat ang insyu nang simulang busisiin ng Senado ang gastos sa naturang gusali na isinisisi sa administrasyon ni dating Makati City Mayor at ngayo’y Vice President Jejomar Binay.

Damay din sa kontrobersiya ang anak nitong si ousted Makati Mayor Junjun Binay.

 

Read more...