Paolo Duterte: Pagkakasangkot ni Trillanes sa Bikoy video hindi na bago
Hindi na nagtataka si Davao City Representative- elect Paolo Duterte sa ginawang pahayag ni Peter Advincula alyas Bikoy may kaugnayan sa pagiging utak ni Senador Antonio Trillanes IV na nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist” videos.
Sa simula pa lamang ayon kay Duterte ay malinaw na gawa-gawa lamang ang mga video na naglalaman ng impormasyong galing sa mga tao na gustong sirain ang kanilang pangalan at reputasyon.
Ang lahat aniya ng kasinungalingang ipinresenta ay ginawa para mawala ang tiwala ng mga Pilipino sa mga awtoridad at para umusbong ang galit sa pamahalaan na siya namang ninanais ng mga naninira sa administrasyon.
Ngayon anyang lumutang na ang iba pang pangalan tulad ni Senador Risa Hontiveros at ilang mga abogado ay marapat na pormal nang imbestigahan ang isyu.
Sa pagharap ni Bikoy sa press conference sa Camp Crame sinabi nitong wala siyang alam kung ano ang tattoo na nasa likod ng dating bise alkalde ng Davao City.
Una rito, inilarawan ni Advincula sa naturang video ang tattoo ni Duterte na isang alphanumeric code na siya namang ginagamit sa tinatanggap umano nitong ‘tara’ o grease money mula sa sindikato ng ilegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.