Lalaki patay sa pamamaril sa Pasay

By Rhommel Balasbas May 23, 2019 - 04:34 AM

Contributed photo

Patay sa pamamaril ang isang lalaki sa bahagi ng Tramo Riverside, Brgy.156, Pasay City.

Kinilala ang biktima na si Kerr Louie Hipps, 23 anyos na naglalakad lamang nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek.

Dalawang beses umanong pinaputukan ang biktima at natamaan ito sa ulo na agad niyang ikinasawi.

Sa CCTV ng Brgy.156, makikitang palabas ang mga gunman ng baranggay sakay ng motorsiklo matapos ang ginawang krimen.

Screengrab of Brgy. 156, Pasay City CCTV

Gayunman, hinabol ng taumbayan ang dalawang suspek na patungo na sana ng Aurora Boulevard ngunit bumangga sila sa isang tricycle dahilan para iwan na lamang nila ang sinasakyang motor.

Nasira ang motorsiklo ng dalawa kaya’t nang-agaw ang mga ito ng isa pang motorsiklo sa dumadaang rider at tuluyan nang nakatakas.

Dalawang anggulo ang tinitingnan ng Pasay Police sa motibo ng pagpaslang.

Una ay love triangle dahil may ex-boyfriend umano ang girlfriend ni Hipps na ayaw pakawalan ang babae at mistaken identity naman ang ikalawa.

Narekober sa crime scene ang motorsiklong naiwan ng mga suspek.

Nagrequest na ang Pasay Police sa Land Transportation Office (LTO) na makuha ang pangalan ng may-ari ng naiwang motorsiklo.

 

 

 

TAGS: cctv, love triangle, lto, mistaken identity, Pasay, patay sa pamamaril, cctv, love triangle, lto, mistaken identity, Pasay, patay sa pamamaril

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.