Cardinal Tagle posibleng mahalal muli bilang presidente ng Caritas

CBCP News

Malaki ang tyansang mahalal muli bilang presidente ng Caritas Internationalist si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Ang Caritas ay ang pinakamalaking development at social service organization ng Simbahang Katolika.

Ayon sa source ng CBCP News, walang tumutol sa renomination ni Cardinal Tagle para maging presidente ng organisasyon.

Inaasahang makukumpirma para sa ikalawang four-year term ang cardinal sa general assembly ng Caritas sa Roma ngayong May 23 hanggang 28.

Sa naturang assembly na ginaganap kada apat na taon nahahalal ang bagong mga opisyal.

Unang naihalal si Tagle para pamunuan ang Caritas noong 2015 kung saan siya ang kauna-unahang presidente ng organisasyon na nagmula sa Asya.

Bilang pinuno ng Caritas, nabibigyang pagkakataon si Tagle na bisitahin ang mga lugar na nasalanta ng mga kalamidad at karahasan.

Bukod sa general assembly ng Caritas, kasalukuyang nasa Roma ang arsobispo ng Maynila kasama ang mga obispo ng Luzon para sa kanilang Ad Limina Apostolorum visit.

 

 

Read more...