MMDA: 400 truck ng basura at burak nakolekta mula sa Manila Bay
Umabot na sa 3,018 cubic meters ng mga basura at burak o katumbas ng 400 dump trucks ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Roxas Boulevard at mga estero sa Maynila sa loob lamang ng halos apat na buwan.
Ang paglilinis ay bahagi ng umaarangkadang rehabilitasyon sa Manila Bay.
Sa pahayag araw ng Miyerkules, sinabi ng MMDA na ang higit 3,000 cubic meters ng mga basurang ito ay nakolekta ng Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) mula January 27 hanggang May 17.
Partikular na sinusuyod ng FCSMO ang Roxas Boulevard, Estero San Antonio de Abad, Tripa De Gallina, Padre Faura Drainage Main, Remedios Drainage Main at iba pang esterong nakakonekta sa Manila Bay.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, marami pa ang kailangang gawin para maibalik sa maayos at maganda na kalidad ang tubig sa Manila Bay.
Dahil dito, hinikayat ni Lim ang pakikiisa ng publiko sa paglilinis sa mga lugar malapit sa dagat.
Ayon kay FCSMO Chief Baltazar Melgar, nasa 250 tauhan ang nakadeploy para sa paglilinis ng mga estero malapit sa Manila Bay.
Nagsimula ang rehabilitasyon ng Manila Bay noong January 27 sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.