Comelec pinayagan si Cardema bilang substitute nominee ng Duterte Youth party-list

Pinayagan na ng Commission on Elections (Comelec) si dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema na maging substitute nominee ng Duterte Youth party-list group.

Pero sinabi ni Comelec chairman Sheriff Abas na wala pa silang desisyon kung eligible ang 33 anyos na si Cardema na maging kongresista o kinatawan ng grupo sa Kamara.

“Kanina napirmahan ko. May majority siya e,” ani Abas.

Ayon kay Abas, nag-abstain si Commissioner Luie Guia sa resolusyon sa petisyon ni Cardema na maging substitute nominee.

Dumating sa PICC si Cardema sa proklamasyon ng 51 party-list groups na nanalo sa May 13 elections.

Isa ang Duterte Youth sa mga party-list groups na iprinoklama ng Comelec.

“Ang issue lang sa kanya whether or not nakahabol siya sa substitution. Before the election, nakapag-hain sila,” dagdag ni Abas.

Nasa Comelec rules anya na ang substitution o pagpapalit ng party-list nominee ay dapat ginawa bago ang araw ng eleksyon.

Sa kaso ng eligibility ni Cardena, sinabi ni Abas na hindi pa ito natalakay ng Comelec.

Bago dito ay kinuwestyon ng ilang sektor ang kwalipikasyon ni Cardema bilang party-list representative dahil nasa batas na ang kinatawan ng youth sector ay dapat na nasa edad 25 hanggang 30 anyos lamang.

Sinabi ni Abas na ang kwalipikasyon ni Cardema ay maaaring kwestyunin sa House of Representatives Electoral Tribunal.

Read more...