Malacañang uupa ng mga barko para ibalik ang mga basura sa Canada
Aminado ang Malacañang na galit na si Pangulong Rodrigo Duterte kaya ipinag-utos nito ang pagkuha ng serbisyo ng mga private shipping company para maibalik sa Canada ang ilang container van na naglalaman ng mga basura.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nababagalan ang pangulo sa tugon ng Canada sa nasabing isyu.
Nauna dito ay ipina-recall ng pangulo ang lahat ng mga opisyal ng Philippine Embassy sa nasabing bansa dahil sa napakong pangako ng Canadian government na gagawa sila ng paraan para maialis sa bansa ang nasabing mga basura.
Taong 2013 hanggang 2014 nang pumasok sa bansa ang 103 container vans na naunang idineklara bilang mga recycleable materials.
Pero nang buksan ang mga ito ay doon nadiskubre na pawang mga basura ang laman ng container vans.
Nauna na ring sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na hindi naman pinuputol ng bansa ang diplomatic relation sa Canada pero kailangan muna nilang hakutin pabalik sa kanilang bansa ang nasabing mga basura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.