Suportado ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa panukalang taasan ang excise tax sa alak at sigarilyo.
Ito ay para madagdagan ang pondo na gagamitin sa full implementation ng Universal Health Care (UHC) law.
Sinabi ni NEDA Chief Ernesto Pernia na nakahanda siyang tumulong sa pagbalangkas ng nasabing hakbang para sa dagdag na pondo sa health program ng pamahalaan.
Nauna nang sinabi ng Department of Finance (DOF) at Department of Health (DOH) na kanilang isusulong ang pagpasa sa Senate Bill No. 1599 para madagdagan ang kasalukuyang uniform excise tax rate sa sigarilyo mua P35.00 tungo sa P60.00 kada pakete sa unang taon ng pagpapatupad ng panukalang dagdag na 9% per year tax increase.
Bukod sa tobacco products, ang DOF at DOH ay balak ring isulong ang P40 per liter na dagdag sa unitary tax system para sa mga mga tinawag na “fermented liquors”.
Naniniwala ang NEDA na ang sin taxes pa rin ang siyang pinaka-mabisang source ng dagdag na pondo sa UHC law.
Magugunitang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na posibleng abutin sa P63 Billion ang funding gap sa taong 2020 dahil sa kakulangan sa pondong inilagay sa UHC sa loob ng general appropriation act sa taong kasalukuyan.
Ang nasabing funding shortfall ay posible pang umabot sa P426 Billion sa susunod na limang taon kapag hindi ito nahanapan ng pondo ayon pa sa kalihim.