Mga pahayag ni Duterte sa ‘pagpatay’ pinaiimbestigahan sa CHR
Umapela ang Commission on Human Rights sa mga awtoridad na imbestigahan ang naging pahayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kung saan bahagi umano ng kanyang tungkulin ang pagpatay sa mga kriminal.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., isinasagawa ng CHR ang kanilang tungkulin na alamin kung may katotohanan ang mga umano’y paglabag ng sino man sa karapatang pantao.
Kailangan aniyang patas ang pagpapatupad ng batas sa kahit sino man at lahat ng tao ay may karapatan sa due process sa ilalim ng demokratikong gobyerno.
Dagdag ni Coloma, bilang isang demokratikong bansa, lahat ay kailangan tumalima sa prinsipyo ng rule of law.
Nanawagan ang CHR sa Department of Justice at sa iba pang law-enforcement agencies na imbestigahan ang mga pahayag ni Duterte.
Sa naganap na proklamasyon ni Duterte bilang standard bearer ng PDP-Laban para sa 2016 elections, ipinagyabang ng alkalde ng Davao ang kanyang pagpatay sa mga kidnappers sa kanyang lungsod.
Inihayag din ni Duterte sa isang radio interview noong nakaraang linggo ang ginawang pagpatay sa tatlong kidnappers na tumanggi umanong sumuko sa mga awtoridad.
Bilang tugon sa apela ng CHR, bukas ang DOJ sa pag-imbestiga kay Duterte ngunit kailangan muna aniyang magsagawa ng pormal na pulong kaugnay sa isyu.
Samantala, handa ng Philippine National Police sa anumang kooperasyon na kakailanganin ng CHR.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.