QC mayor-elect Joy Belmonte, tatanggalin ang mga empleyado ng QC hall na sangkot sa korupsyon
Sa unang 100 araw ni Quezon City Mayor-elect Joy Belmonte, tatanggalin nito sa trabaho ang mga tamad o non-performing assets na walang ginagawang serbisyo sa mamamayan ng lungsod.
Ayon kay Belmonte, sisimulan niya ang pagbabago sa lungsod sa pamamagitan ng pagtanggal sa pwesto o ang maagang mag-early retirement para sa mga empleyado ng cityhall na pumapanig sa korupsyon.
Sinabi pa ni Belmonte sa ginawa niyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa lungsod ay nakatanggap siya ng iba’t ibang mga reklamo na tungkol sa anomalya.
Tiniyak din ni Belmonte na ipapa-audit niya ang mga nakalipas na proyektong ginastusan ng lokal na pamahalaan.
Maglalagay din ng Housing department sa ilalim ng kaniyang pamunuan upang mabigyan ng sapat na programang pabahay ang may 250,000 informal settler families ng lungsod na una na niyang naipangako noong kumakandidatong mayor ng Quezon City.
Sinabi rin nito na sa panahon ng pagiging vice mayor at presiding officer ng council ay naipasa nilang lahat ang magagandang batas na magbebenepisyo sa iba’t ibang sektor tulad sa solo parent, senior citizen, PWDs at marginalized sector.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.